Tuesday, August 2, 2011

5. "Makalipas ang mahabang panahon"

I. D Architect

Ay salamat nagkaroon din ng panahon magsulat makalipas ang ilang taon. Ahh, uumpisahan ko ito sa isang karanasan, hindi akin, kundi ng aking asawa at kliyente. Nasa isang city hall sila dito sa Metro Manila para maglakad ng building permit. Siguro, dahil sa hindi sila mukhang arkitekto o enhinyero ay nilapitan sila ng isang taong nag-aalok ng tulong para mapabilis ang paglakad ng mga dokumento. Aba, maangas itong isang ito, agad nagbida na matagal nya na raw itong ginagawa at ilang administrasyon na ang lumipas simula nang mag-umpisa syang gawin ito. Kabisado nya na raw ang masalimuot na pasikot-sikot sa paglalakad ng mga permits. Sa una ay ang paglalakad lang ng permits ang pinupuntirya nya ngunit ng lumaon ay pati na mismo ang paggawa ng mga plano. Biruin nyong siraan ba naman ako sa aking kliyente, na kesyo mahal daw ang kanyang binayaran sa akin, na kesyo hindi na raw kailangan pang dumaan sa akin at sa mga engineers ang paggawa ng mga plano dahil sya lang daw ay sapat na para mabuo ang plano ng kanyang bahay. Kaya nya raw gumuhit ng plano, maglinya ng mga tubo at kuryente, magposte at magbiga, at higit sa lahat gumawa ng structural analysis ng kahit napakalalaking structures. Pinansin nya ang makapal na structural analysis na bitbit-bitbit ng aking asawa. Hindi raw dapat ganung kakapal dahil kaya nya raw yun sa 3 pahina ng bond paper. Dahil sa hindi makapaniwala ang aking misis sa mga naririnig ay tinanong nya ang kausap kung anu ba ang kanyang propesyon, bibong-bibo itong sumagot na computer engineer daw siya. Naku po!!! Nang maikwento sa akin ni misis ang mga pangyayari ay napaisip at napatanong agad ako kung ilang bahay o building na kaya ang nagawa ng taong ito. Kawawa naman ang kanyang nabibiktima dahil baka naman sa kasarapan ng tulog nila ay bigla na lang gumuho ang kanilang bahay. Imagine, isang computer engineer, gumagawa ng trabaho ng isang arkitekto at tatlo pang inhinyero. Malamang kamag-anak sya ni Albert Einstein sa pagkahenyo.....sa kalokohan.

II. D Husband

Kamakailan lamang ay pinanuod namin ulit ang video ng aming kasal. Nakakatuwang-nakakainis isipin na sa vhs pa ang orihinal na kopya ng video. Naisipan ko itong panoorin ng makita ko sa facebook ang isang HD video ng isang kasal. Taong 2004 lamang nung kami ay ikasal at di pa naman siguro ganung katagal iyon, sayang at di kami inabutan ng mas bagong teknolohiya...pero teka, siguro nga ay napakatagal na rin talaga ng lumipas na panahon, dahil sa aming video ay mukha pa kaming mga totoy at nene, hehehe. Siyempre, habang nanunuod ay naririnig sa hangin ang mga kumentong minsan ay naging isa akong napaka-paka-matipunong lalaki, may di maikukumparang tikas sa tindig o may mala-adonis na kagwapuhan. Pero syempre, yang mga kumentong yan ay walang ibang panggagalingan kundi sa akin, mismo,hehehe.

Kahit na mukhang luma, walang sawa kong pinapanuod ang video dahil duon ko nababalikan kung saan kami nagsimula ni Au. Mas simple ang buhay namin noon, mas nangingibabaw ang tema ng pag-ibig kaysa sa pang-araw-araw na responsibilidad bilang mga magulang sa dalawang makukulit na mga lalaking anak. Yun yung mga panahon, na sa aming dalawa lang ang focus. Idagdag mo pa dyan ang tuwa kong makita ang kagandahan ng babaeng kasama kong ikinakasal sa simbahan. Aba talaga naman, sa tuwing matapos kong panoorin ang video ay nakakatuwang isipin na humahaba na nang humahaba ang landas na natatahak naming mag-asawa, at bawasan mo lang kami ng konting taba, ganun na ganun pa rin ang aming pagkasabik at tuwa sa isa't-isa.

III. D Barkada

Sa maliit na paraan ay nagsimula na kami noong mag-isip ng negosyo para sa Nu Sigma. Sama-sama naming itinayo nina Mike Clarin, Joniel, Monti, Dennis, at Carlo ang duplex sa Katrungan Village. Layunin naming maumpisahan ang ganitong gawain sa grupo at maipagpatuloy balang araw. Isa rin sa mga layunin namin noon ay ang makapg-donate sa Southridge Night School o Afternoon School na ngayon. Sa ngayon, sa pangunguna ni Third Domingo, ay may ganito na namang inisyatibo, kaya nga lamang, ito ay mas malawakan dahil kasama na ang lahat ng miyembro ng Nu Sigma. Sana ay magtagumpay kami sa proyektong ito at matupad ang aming magagandang layunin.

IV. D Father

Kanina, walang pasok ang mga bata dahil sa ulang dala ni Kabayan. Naisipan ni Lolo Joe na turuan si Jaja ng kantang Leron-leron Sinta. Sabay nilang kinakanta ang mga linya sa libro. Ito namang si Au ay dali-daling kinuha ang i-phone para mai-video ang "rare moments". Mahaba-habang kanta iyon kaya matagal ding hawak-hawak ni Au ang I-phone. Nang matapos ang kanta ay punong-pananabik kong hingi kay Au ito paraa mapanood ko nang buo, ang kaso, hindi nya pala napindot yung red button para makapag-record, kaya wala ang video. Abanaku naman talaga, sobrang bright, nakakasilaw, hehehe....

No comments: