Wednesday, September 17, 2008

4. "Parental Guidance II may Violence Too"

I. D Architect



"Parental Guidance II may Violence Too"



Hindi ko na sana isusulat pa ang bahaging ito ngunit, napag-isip-isip ko na bahagi pa rin talaga ito ng istorya.

Makalipas ang isang linggo matapos ang insidente sa site sa Cavite at sa opisina, habang nakaupo akong nanonood ng tv kasama ang tatay ko, ay may pumaradang bagong-bagong Toyota Revo sa tapat ng aming bahay. Hindi ko pinansin, tuloy lang ako sa pag-nood ng tv. Lumabas si erpats para silipin kung sino yun. Ilang segundo pa'ng lumipas nang sabihin nya sa kin na ang boss ko raw ang dumating at nakapasok na sa gate namin. Hindi ako binati ng bwusita, dahil ni hindi ko naman sya tiningnan. Lumabas ako ng bahay para tingnan ang bagong-bago nyang sasakyan. Sa sobrang inis ko ay naghanap ako ng matulis na bagay para butasin ko sana ang mga gulong, malas ko lang at malambot na alambre lang ang aking napulot. Nanggigigil ako sa ideya na napakalaki ng kinita nya sa mga paghihirap namin kaya sya nakabili ng bagong sasakyan, habang kami naman ay walang ambon ni baryang biyaya.

Maya-maya pa'y tinawag ako ng aking tatay, gusto raw akong kausapin ng dati kong boss. Wala akong nagawa, si Joe yun, batas ng mga batas sa mata ng buo kong pamilya.

Pinakiusapan ako ng ex-boss ko na bumalik na sa opisina at kalimutan na lang daw ang mga nangyari. Di ako pumayag, buong galit kong sinabi "ang kapal naman ng mukha mo, pinababalik mo ako para gamitin mo na naman para kumita ka ng malaking pera, sa susunod ano? Bahay naman ang bibilhin mo, habang kami ay hindi mo na naman pasuswelduhin!" Talagang hindi ko na makontrol ang aking galit kaya buong lakas akong bumwelo at akmang susuntok, pero humarang ang napakalapad na katawan ng tatay ko. Hindi ko na alam kung saan o kanino tumama ang suntok ko. Yakap-yakap nya ako at sinabing huminahon ako at wag kong bastusin ang bisita, makipag-usap raw ako ng maayos. Tumalikod na lang ako at umupo sa sa tapat ng mesang kainan. Tyempo namang dumiretso ang aking tatay sa banyo, kaya pinuntahan ko agad ang dati kong boss na nakaupo sa sala. Sabi ko sa kanya, "maswerte ka ngayon, nandito ang tatay ko, sa susunod na magkita tayo titiyakin kong walang aawat at isa sa'tin ang babagsak". Paglabas ng tatay ko sa banyo ay agad ring nagpaalam ang dati kong boss at nanginginig-nginig pang lumabas.

Ilang taon pa ang lumipas at di kami nag-krus ng landas......hanggang sa isang araw na kailanganin ko ang kanyang pirma para patunayan na ako ay nag-trabaho ng dalawang taon sa ilalim ng isang arkitekto. Requirement ito para makakuha ng board exam. Ewan ko ba kung bakit masyado akong excited sa araw ng muli naming pagkikita, may halo rin palang kaba dahil pag nakataon na di nya pirmahan ang mga dokumentong kailangan ko sa kanya, todas na ang aking pag-asang makapag-board exam.

Bitbit ko si Au, buntis kasi. Lakas-loob kaming pumunta sa bahay ng dati kong boss. Pinundot ko ang doorbell, walang gumagalaw sa loob, wala ring lumalabas papunta sa gate. Pindut ulit sa doorbell, ganun pa rin. Katanghaliang-tapat nun at init na init na ang kasama kong buntis. Pangatlo, pang-apat, at panglimang doorbel, wala pa rin talaga. Patalikod na ako ng makita ko sa gilid ng kanan kong mata ang pagtakbo ng isang tao sa loob. Aba, may tao naman pala. Bumulong ako kay Au, "may tao sa loob, nakita ko....natatakot yata lumabas". Bigla, may mala-demonyong ngiti na di ko maawat, di ko na naman mapigilan ang sarili. Sabi ko kay Au, "punta ka dun sa tindahan, bili ka ng softdrinks, palamig ka muna dun, sobrang init dito". Masunuring bata naman itong si Au, kaya pumunta naman sya dun sa sinabi ko, ngunit binilang ko ang segundo, tinantya ang bilis ng kanyang mga hakbang at kung umabot na ba sya sa tindahan. Nang matiyak kong nandun na nga sya, agad kong inuga nang inuga na napakalakas ang gate ng dati kong boss, sabay sigaw na, "lumabas kayo dyan mga duwag, nandito na ko, wala na kayong matatakbuhan....sige, tago pa kayong parang mga daga... hindi ako aalis dito hangga't walang lumalabas sa inyo!!!!"

Hehehe, effective, may lumabas. Ang asawa ng dati kong boss, humahagulgol at sinabing, "Jenner, tama na, nananahimik na kami, parang-awa mo na..." Habang sinasabi nya ito ay nakita ko sa bintana na may isa pang babaeng may hawak na telepono, tinatawagan na nya pala ang baranggay para ipahuli ako, buti na lang at bago pa man may sumagot sa kabilang linya, sinabi ko sa asawa ng dati kong boss na, "Ma'am, kamusta na, long-time-no-see ah, na-miss ko rin kayo ha, si Sir, nasan?....Wag kayong mag-alalala, nandito ako hindi para mang-away, ang totoo nyan, ako ang may kailangan sa inyo". Tila hindi makapaniwala si Ma'am sa kanyang narinig, kaya sabi ko, "Ma'am, mag-eexam na po ko, kailangan ko na po yung pirma na pinag-usapan namin ni Sir nung nandito pa ko." Para naman talagang nasa teleserye kami dahil tyempong bumalik naman si Au galing sa tindahan kaya sinabi ko na, "Ma'am, tingnan nyo po si Au, ilang buwan na lang, mangaganak na 'yan, sabay turo sa direksyon ni Au." Ang pagkakita nya kay Au lamang yata ang medyo kumimbinsi sa kanya na totoo nga ang aking sinasabi, kaya ang hagulgol nya ay napalitan ng ngiti. Sabi ni Ma'am, "talaga, kayo rin pala ang nagkatuluyan". Sagot naman ako na, "sabi ko naman sa inyo Ma'am eh, good boy talaga ako". Sabay tawa naming tatlo. Tinanong ko sya,"Ma'am, si Sir?" Sagot naman sya,"andyan sa loob nakaupo, nagpapahinga". Parang cue naman ito sa dati kong boss, dahil lumabas sya at ngumiti sa'kin kahit na halatang-halatang may bakas pa sya ng nerbyos. Tiningnan ko ang kanyang pants, sa may bandang zipper, buti naman at hindi napaihi, hehehe. Iniabot ang kanyang kamay sa akin at buong higpit nya akong kinamayan habang si Ma'am naman ay nagsabing, "O ayan ha, bati na kayo ha, friends na ulit tayo ha?" Ewan ko kung bakit natawa ako, ay, napahalakhak pala sa sinabi nyang yun. Pero sumagot naman, ako na, "sige ba, walang problema, basta pirmahan nyo na ang mga dokumento para makapag-exam ako, ok na ok na tayo" Syempre, PVC na PVC ako nun, pero ng marinig ko ang kwento ni Ma'am na tumigil na ang dati kong boss sa pagko-construct ay sineryoso ko na rin na ok na nga kami, sa isip ko, at least wala naman ng makakawawang manggagawa. Ilang oras pa ang lumipas bago natapos ang aming kwentuhan, tungkol sa mga anak nila, sa mga dating kasama ko sa opisina nila, sa pagsara ng opisina nila, at sa lahat ng mga pagbabago sa buhay nila mula ng magkawatak-watak kami. Pare-parehas naman kaming may natutunan, ayos din.

Yan last na talaga yan. Yan na talaga ang pagtatapos ng career ko bilang empleyado, happy ending rin naman kahit papano di ba?





II. D Husband and III. D Father

"In the Name of the Mother"

Hindi mapipigilang darating din ang araw na kami ay magtatapat sa aming mga magulang. Pagkatapos ko magsabi sa aking kuya at humingi na rin ng tulong sa kanya, ay nagkaroon na rin ako ng tamang lakas ng loob. Linggo noon, as usual, kumpleto ang pamilya para pagsaluhan ang tanghalian. Patapos na ang kainan, ngumunguya na ng saging ang tatay ko, nang sabihin ng aking kuya na,"Pa, si Jenner....." Hindi nya maituloy ang sasabihin. "Si Jenner daw pa, may..." Hindi nya talaga kayang ituloy, kami naman sa mesa ay nagkakatingininan, mabuti at wala si Au nun, nasa bahay nila sa Malibay. Si erpats na ang nagsalita, "Ano si Jenner? anong problema?" Wala nang naglakas-loob magsalita, kaya nagpatuloy si erpats," Ano? si Au buntis na?" Sa puntong ito napaatras ako sa gulat at muntikan nang matumba sa'king upuan. Nakatitig sa'kin si erpats kaya minabuti ko na'ng magsalita, "opo, five months na po". Ang inaabangan kong suntok, o sampal mula sa tatay ko ay hindi nangyari, bagkus ang sinabi nya nang nakangiti ay, "O, e di daddy Jenner ka na pala". Yun lang ang kanyang nasabi habang nangingilid ang luha at ngiti sa kanyang mata. Pero ang nanay kong tatahi-tahimik, yun ang parang bulkan, armalite, uzi,tangke, inipit na lata, isipin nyo na kung ano gusto nyong ispin, basta, napakaingay, ang daming sinabi na hindi ko na naintindihan maliban sa katagang,"basta, hindi kami nagkulang ng paalala sa inyong mga bata". Sa isip ko, "bata pa ba ko nun, e nakagawa na nga ng bata eh,"hehehe.

Pagkatapos kumain ay nagtipon kami sa harap ng tv sa sala. Dun na lang ulit nagsalita ang aking tatay. Pabiro nyang sinabi,"Ikaw talaga,o, kung sinabi mo lang e di sana pinaturan kita kay Uncle Nick mo, mahusay yun". Tawanan sila nang tawanan, ako naman ay nakitawa na rin, pero si ermats, nagsimula na naman ng napakahabang litanya. Nanahimik kaming lahat nun, kahit ang tatay ko natahimik, hanggang marnig namin ang tuldok sa napakahabang litanya bago kami nagtawanang may kasamang hagikhik ng walang dahilan. Nang sabihan ako ng tatay ko na sunduin ko na raw si Au ay tsaka pa lamang guminhawa ang aking pakiramdam. Tatlong araw na kasi ang lumipas nung huli ko syang makita, ayaw ko kasi syang madamay sa galit ng aking mga magulang, galit na hindi naman nangyari. Ayos, alam na, kasal na lang talaga ang kulang.....

III. D Barkada

Ang Nu Sigma ay nahahati sa tatlong pangkat na lamang. Ang mga ito ay ang pangkat ng "Starter", "Carbrodor", at "Others". Si Mr. Tacay ang naging susi para magbuklod-buklod ang buong klase. Sa group presentation namin sa obrang "Freedom" ni Aurelio s. Alvero, ay unang ipinakita ng klase ang galing kapag may iisang layunin. Dito kami unang nananalo bilang isang solid na grupo. Nakuha namin ang unang gantimpala kahit na si Edwin, aka, "Grampapito-grampatok" ay pumiyok at ako naman ay napasayaw sa pagbigkas ng aking mga linya.

IV. D Ner

Sa Isyu ng pag-ibig.

Kailangan mo ba sya kaya mo sya mahal? Mahal mo ba sya dahil kailangan mo sya? Kailangan mo bang maging independent sa kanya?

Sa tingin ko, para mahalin mo ang isang babae ng lubusan, ay dapat kailanganin mo sya. Madaling iwan, o baka nga hindi mo pansinin ang isang bagay kapag hindi mo kailangan ito. Hindi ka maapektuhan sa pagkawala nito. Sa relasyon, madaling iwanan ang isang kasama at humanap ng iba kung ang basehan ng pagsasama nyo ay sa ideya ng pagiging "in-love". Madali ma-in-love sa napakaraming babae, dahil ang idea ng pagiging "in-love" ay malamang na infatuation lamang. Ang kaso, ang infatuation ay nawawala, nauubos, dahil hindi naman ito isang pangangailangan.

Kung ang pag-ibig ay complimentary, ibig-sabihin, yung ka-partner mo ay kumukumpleto sa iyong mga kakulangan para maging isang buo ka. Ibig sabihin din, kailangan mo sya, para mabuo ka. Tingin ko, wala ring masama kung kailanganin mo siya at maging dependent ka sa ka-partner mo lalo na sa asawa, kasi sabi ng pari sa kasal, ang lalaki raw at babae ay nagiging iisa, base raw ito sa Bibliya. Samakatuwid, parang kalahati na lang kung wala yung isa sa mag-asawa. Kung ang pag-aasawa ay pang-habang-buhay na pagsasama, makakatulong ang ideya na malaki ang kakulangan sa iyo kung wala ang iyong asawa. Hindi mo sya kayang hiwalayan dahil kailangan mo sya para mabuo ka. Mas lalo mo syang pinapahalagahan at minamahal dahil kailangan mo sya.

Oo nga't pwedeng sabihin na una yung pagmamahal, pero gaanong kalalim ba ito. Lumalalim lang ito kapag nag-uumpisa na syang makinig sa iyong mga hinaing sa buhay, kapag napapagaan nya ang iyong mabigat na kalooban, kapag nakikisalo na sya s'yong saya at dalamhati, at marami pang-iba. Samakatuwid, lumalalim ang sinasabi mong "pagmamahal" dahil kinailangan mo na sya.

Ewan ko lang, pero mukhang effective sa'min ni Au yung ganung formula, nagkakaroon kami ng "moments" at partnership dahil kailangan namin ang isa't-isa sa mga ginagawa namin. Dumidepende sya sa'kin, dumidepende rin ako sa kanya, mahal ko sya, mahal nya rin ako, kailangan ko sya at kailangan nya rin ako...hindi kami nauubusan ng pinagsasaluhan dahil dyan...


No comments: