Tuesday, August 2, 2011

5. "Makalipas ang mahabang panahon"

I. D Architect

Ay salamat nagkaroon din ng panahon magsulat makalipas ang ilang taon. Ahh, uumpisahan ko ito sa isang karanasan, hindi akin, kundi ng aking asawa at kliyente. Nasa isang city hall sila dito sa Metro Manila para maglakad ng building permit. Siguro, dahil sa hindi sila mukhang arkitekto o enhinyero ay nilapitan sila ng isang taong nag-aalok ng tulong para mapabilis ang paglakad ng mga dokumento. Aba, maangas itong isang ito, agad nagbida na matagal nya na raw itong ginagawa at ilang administrasyon na ang lumipas simula nang mag-umpisa syang gawin ito. Kabisado nya na raw ang masalimuot na pasikot-sikot sa paglalakad ng mga permits. Sa una ay ang paglalakad lang ng permits ang pinupuntirya nya ngunit ng lumaon ay pati na mismo ang paggawa ng mga plano. Biruin nyong siraan ba naman ako sa aking kliyente, na kesyo mahal daw ang kanyang binayaran sa akin, na kesyo hindi na raw kailangan pang dumaan sa akin at sa mga engineers ang paggawa ng mga plano dahil sya lang daw ay sapat na para mabuo ang plano ng kanyang bahay. Kaya nya raw gumuhit ng plano, maglinya ng mga tubo at kuryente, magposte at magbiga, at higit sa lahat gumawa ng structural analysis ng kahit napakalalaking structures. Pinansin nya ang makapal na structural analysis na bitbit-bitbit ng aking asawa. Hindi raw dapat ganung kakapal dahil kaya nya raw yun sa 3 pahina ng bond paper. Dahil sa hindi makapaniwala ang aking misis sa mga naririnig ay tinanong nya ang kausap kung anu ba ang kanyang propesyon, bibong-bibo itong sumagot na computer engineer daw siya. Naku po!!! Nang maikwento sa akin ni misis ang mga pangyayari ay napaisip at napatanong agad ako kung ilang bahay o building na kaya ang nagawa ng taong ito. Kawawa naman ang kanyang nabibiktima dahil baka naman sa kasarapan ng tulog nila ay bigla na lang gumuho ang kanilang bahay. Imagine, isang computer engineer, gumagawa ng trabaho ng isang arkitekto at tatlo pang inhinyero. Malamang kamag-anak sya ni Albert Einstein sa pagkahenyo.....sa kalokohan.

II. D Husband

Kamakailan lamang ay pinanuod namin ulit ang video ng aming kasal. Nakakatuwang-nakakainis isipin na sa vhs pa ang orihinal na kopya ng video. Naisipan ko itong panoorin ng makita ko sa facebook ang isang HD video ng isang kasal. Taong 2004 lamang nung kami ay ikasal at di pa naman siguro ganung katagal iyon, sayang at di kami inabutan ng mas bagong teknolohiya...pero teka, siguro nga ay napakatagal na rin talaga ng lumipas na panahon, dahil sa aming video ay mukha pa kaming mga totoy at nene, hehehe. Siyempre, habang nanunuod ay naririnig sa hangin ang mga kumentong minsan ay naging isa akong napaka-paka-matipunong lalaki, may di maikukumparang tikas sa tindig o may mala-adonis na kagwapuhan. Pero syempre, yang mga kumentong yan ay walang ibang panggagalingan kundi sa akin, mismo,hehehe.

Kahit na mukhang luma, walang sawa kong pinapanuod ang video dahil duon ko nababalikan kung saan kami nagsimula ni Au. Mas simple ang buhay namin noon, mas nangingibabaw ang tema ng pag-ibig kaysa sa pang-araw-araw na responsibilidad bilang mga magulang sa dalawang makukulit na mga lalaking anak. Yun yung mga panahon, na sa aming dalawa lang ang focus. Idagdag mo pa dyan ang tuwa kong makita ang kagandahan ng babaeng kasama kong ikinakasal sa simbahan. Aba talaga naman, sa tuwing matapos kong panoorin ang video ay nakakatuwang isipin na humahaba na nang humahaba ang landas na natatahak naming mag-asawa, at bawasan mo lang kami ng konting taba, ganun na ganun pa rin ang aming pagkasabik at tuwa sa isa't-isa.

III. D Barkada

Sa maliit na paraan ay nagsimula na kami noong mag-isip ng negosyo para sa Nu Sigma. Sama-sama naming itinayo nina Mike Clarin, Joniel, Monti, Dennis, at Carlo ang duplex sa Katrungan Village. Layunin naming maumpisahan ang ganitong gawain sa grupo at maipagpatuloy balang araw. Isa rin sa mga layunin namin noon ay ang makapg-donate sa Southridge Night School o Afternoon School na ngayon. Sa ngayon, sa pangunguna ni Third Domingo, ay may ganito na namang inisyatibo, kaya nga lamang, ito ay mas malawakan dahil kasama na ang lahat ng miyembro ng Nu Sigma. Sana ay magtagumpay kami sa proyektong ito at matupad ang aming magagandang layunin.

IV. D Father

Kanina, walang pasok ang mga bata dahil sa ulang dala ni Kabayan. Naisipan ni Lolo Joe na turuan si Jaja ng kantang Leron-leron Sinta. Sabay nilang kinakanta ang mga linya sa libro. Ito namang si Au ay dali-daling kinuha ang i-phone para mai-video ang "rare moments". Mahaba-habang kanta iyon kaya matagal ding hawak-hawak ni Au ang I-phone. Nang matapos ang kanta ay punong-pananabik kong hingi kay Au ito paraa mapanood ko nang buo, ang kaso, hindi nya pala napindot yung red button para makapag-record, kaya wala ang video. Abanaku naman talaga, sobrang bright, nakakasilaw, hehehe....

Wednesday, September 17, 2008

4. "Parental Guidance II may Violence Too"

I. D Architect



"Parental Guidance II may Violence Too"



Hindi ko na sana isusulat pa ang bahaging ito ngunit, napag-isip-isip ko na bahagi pa rin talaga ito ng istorya.

Makalipas ang isang linggo matapos ang insidente sa site sa Cavite at sa opisina, habang nakaupo akong nanonood ng tv kasama ang tatay ko, ay may pumaradang bagong-bagong Toyota Revo sa tapat ng aming bahay. Hindi ko pinansin, tuloy lang ako sa pag-nood ng tv. Lumabas si erpats para silipin kung sino yun. Ilang segundo pa'ng lumipas nang sabihin nya sa kin na ang boss ko raw ang dumating at nakapasok na sa gate namin. Hindi ako binati ng bwusita, dahil ni hindi ko naman sya tiningnan. Lumabas ako ng bahay para tingnan ang bagong-bago nyang sasakyan. Sa sobrang inis ko ay naghanap ako ng matulis na bagay para butasin ko sana ang mga gulong, malas ko lang at malambot na alambre lang ang aking napulot. Nanggigigil ako sa ideya na napakalaki ng kinita nya sa mga paghihirap namin kaya sya nakabili ng bagong sasakyan, habang kami naman ay walang ambon ni baryang biyaya.

Maya-maya pa'y tinawag ako ng aking tatay, gusto raw akong kausapin ng dati kong boss. Wala akong nagawa, si Joe yun, batas ng mga batas sa mata ng buo kong pamilya.

Pinakiusapan ako ng ex-boss ko na bumalik na sa opisina at kalimutan na lang daw ang mga nangyari. Di ako pumayag, buong galit kong sinabi "ang kapal naman ng mukha mo, pinababalik mo ako para gamitin mo na naman para kumita ka ng malaking pera, sa susunod ano? Bahay naman ang bibilhin mo, habang kami ay hindi mo na naman pasuswelduhin!" Talagang hindi ko na makontrol ang aking galit kaya buong lakas akong bumwelo at akmang susuntok, pero humarang ang napakalapad na katawan ng tatay ko. Hindi ko na alam kung saan o kanino tumama ang suntok ko. Yakap-yakap nya ako at sinabing huminahon ako at wag kong bastusin ang bisita, makipag-usap raw ako ng maayos. Tumalikod na lang ako at umupo sa sa tapat ng mesang kainan. Tyempo namang dumiretso ang aking tatay sa banyo, kaya pinuntahan ko agad ang dati kong boss na nakaupo sa sala. Sabi ko sa kanya, "maswerte ka ngayon, nandito ang tatay ko, sa susunod na magkita tayo titiyakin kong walang aawat at isa sa'tin ang babagsak". Paglabas ng tatay ko sa banyo ay agad ring nagpaalam ang dati kong boss at nanginginig-nginig pang lumabas.

Ilang taon pa ang lumipas at di kami nag-krus ng landas......hanggang sa isang araw na kailanganin ko ang kanyang pirma para patunayan na ako ay nag-trabaho ng dalawang taon sa ilalim ng isang arkitekto. Requirement ito para makakuha ng board exam. Ewan ko ba kung bakit masyado akong excited sa araw ng muli naming pagkikita, may halo rin palang kaba dahil pag nakataon na di nya pirmahan ang mga dokumentong kailangan ko sa kanya, todas na ang aking pag-asang makapag-board exam.

Bitbit ko si Au, buntis kasi. Lakas-loob kaming pumunta sa bahay ng dati kong boss. Pinundot ko ang doorbell, walang gumagalaw sa loob, wala ring lumalabas papunta sa gate. Pindut ulit sa doorbell, ganun pa rin. Katanghaliang-tapat nun at init na init na ang kasama kong buntis. Pangatlo, pang-apat, at panglimang doorbel, wala pa rin talaga. Patalikod na ako ng makita ko sa gilid ng kanan kong mata ang pagtakbo ng isang tao sa loob. Aba, may tao naman pala. Bumulong ako kay Au, "may tao sa loob, nakita ko....natatakot yata lumabas". Bigla, may mala-demonyong ngiti na di ko maawat, di ko na naman mapigilan ang sarili. Sabi ko kay Au, "punta ka dun sa tindahan, bili ka ng softdrinks, palamig ka muna dun, sobrang init dito". Masunuring bata naman itong si Au, kaya pumunta naman sya dun sa sinabi ko, ngunit binilang ko ang segundo, tinantya ang bilis ng kanyang mga hakbang at kung umabot na ba sya sa tindahan. Nang matiyak kong nandun na nga sya, agad kong inuga nang inuga na napakalakas ang gate ng dati kong boss, sabay sigaw na, "lumabas kayo dyan mga duwag, nandito na ko, wala na kayong matatakbuhan....sige, tago pa kayong parang mga daga... hindi ako aalis dito hangga't walang lumalabas sa inyo!!!!"

Hehehe, effective, may lumabas. Ang asawa ng dati kong boss, humahagulgol at sinabing, "Jenner, tama na, nananahimik na kami, parang-awa mo na..." Habang sinasabi nya ito ay nakita ko sa bintana na may isa pang babaeng may hawak na telepono, tinatawagan na nya pala ang baranggay para ipahuli ako, buti na lang at bago pa man may sumagot sa kabilang linya, sinabi ko sa asawa ng dati kong boss na, "Ma'am, kamusta na, long-time-no-see ah, na-miss ko rin kayo ha, si Sir, nasan?....Wag kayong mag-alalala, nandito ako hindi para mang-away, ang totoo nyan, ako ang may kailangan sa inyo". Tila hindi makapaniwala si Ma'am sa kanyang narinig, kaya sabi ko, "Ma'am, mag-eexam na po ko, kailangan ko na po yung pirma na pinag-usapan namin ni Sir nung nandito pa ko." Para naman talagang nasa teleserye kami dahil tyempong bumalik naman si Au galing sa tindahan kaya sinabi ko na, "Ma'am, tingnan nyo po si Au, ilang buwan na lang, mangaganak na 'yan, sabay turo sa direksyon ni Au." Ang pagkakita nya kay Au lamang yata ang medyo kumimbinsi sa kanya na totoo nga ang aking sinasabi, kaya ang hagulgol nya ay napalitan ng ngiti. Sabi ni Ma'am, "talaga, kayo rin pala ang nagkatuluyan". Sagot naman ako na, "sabi ko naman sa inyo Ma'am eh, good boy talaga ako". Sabay tawa naming tatlo. Tinanong ko sya,"Ma'am, si Sir?" Sagot naman sya,"andyan sa loob nakaupo, nagpapahinga". Parang cue naman ito sa dati kong boss, dahil lumabas sya at ngumiti sa'kin kahit na halatang-halatang may bakas pa sya ng nerbyos. Tiningnan ko ang kanyang pants, sa may bandang zipper, buti naman at hindi napaihi, hehehe. Iniabot ang kanyang kamay sa akin at buong higpit nya akong kinamayan habang si Ma'am naman ay nagsabing, "O ayan ha, bati na kayo ha, friends na ulit tayo ha?" Ewan ko kung bakit natawa ako, ay, napahalakhak pala sa sinabi nyang yun. Pero sumagot naman, ako na, "sige ba, walang problema, basta pirmahan nyo na ang mga dokumento para makapag-exam ako, ok na ok na tayo" Syempre, PVC na PVC ako nun, pero ng marinig ko ang kwento ni Ma'am na tumigil na ang dati kong boss sa pagko-construct ay sineryoso ko na rin na ok na nga kami, sa isip ko, at least wala naman ng makakawawang manggagawa. Ilang oras pa ang lumipas bago natapos ang aming kwentuhan, tungkol sa mga anak nila, sa mga dating kasama ko sa opisina nila, sa pagsara ng opisina nila, at sa lahat ng mga pagbabago sa buhay nila mula ng magkawatak-watak kami. Pare-parehas naman kaming may natutunan, ayos din.

Yan last na talaga yan. Yan na talaga ang pagtatapos ng career ko bilang empleyado, happy ending rin naman kahit papano di ba?





II. D Husband and III. D Father

"In the Name of the Mother"

Hindi mapipigilang darating din ang araw na kami ay magtatapat sa aming mga magulang. Pagkatapos ko magsabi sa aking kuya at humingi na rin ng tulong sa kanya, ay nagkaroon na rin ako ng tamang lakas ng loob. Linggo noon, as usual, kumpleto ang pamilya para pagsaluhan ang tanghalian. Patapos na ang kainan, ngumunguya na ng saging ang tatay ko, nang sabihin ng aking kuya na,"Pa, si Jenner....." Hindi nya maituloy ang sasabihin. "Si Jenner daw pa, may..." Hindi nya talaga kayang ituloy, kami naman sa mesa ay nagkakatingininan, mabuti at wala si Au nun, nasa bahay nila sa Malibay. Si erpats na ang nagsalita, "Ano si Jenner? anong problema?" Wala nang naglakas-loob magsalita, kaya nagpatuloy si erpats," Ano? si Au buntis na?" Sa puntong ito napaatras ako sa gulat at muntikan nang matumba sa'king upuan. Nakatitig sa'kin si erpats kaya minabuti ko na'ng magsalita, "opo, five months na po". Ang inaabangan kong suntok, o sampal mula sa tatay ko ay hindi nangyari, bagkus ang sinabi nya nang nakangiti ay, "O, e di daddy Jenner ka na pala". Yun lang ang kanyang nasabi habang nangingilid ang luha at ngiti sa kanyang mata. Pero ang nanay kong tatahi-tahimik, yun ang parang bulkan, armalite, uzi,tangke, inipit na lata, isipin nyo na kung ano gusto nyong ispin, basta, napakaingay, ang daming sinabi na hindi ko na naintindihan maliban sa katagang,"basta, hindi kami nagkulang ng paalala sa inyong mga bata". Sa isip ko, "bata pa ba ko nun, e nakagawa na nga ng bata eh,"hehehe.

Pagkatapos kumain ay nagtipon kami sa harap ng tv sa sala. Dun na lang ulit nagsalita ang aking tatay. Pabiro nyang sinabi,"Ikaw talaga,o, kung sinabi mo lang e di sana pinaturan kita kay Uncle Nick mo, mahusay yun". Tawanan sila nang tawanan, ako naman ay nakitawa na rin, pero si ermats, nagsimula na naman ng napakahabang litanya. Nanahimik kaming lahat nun, kahit ang tatay ko natahimik, hanggang marnig namin ang tuldok sa napakahabang litanya bago kami nagtawanang may kasamang hagikhik ng walang dahilan. Nang sabihan ako ng tatay ko na sunduin ko na raw si Au ay tsaka pa lamang guminhawa ang aking pakiramdam. Tatlong araw na kasi ang lumipas nung huli ko syang makita, ayaw ko kasi syang madamay sa galit ng aking mga magulang, galit na hindi naman nangyari. Ayos, alam na, kasal na lang talaga ang kulang.....

III. D Barkada

Ang Nu Sigma ay nahahati sa tatlong pangkat na lamang. Ang mga ito ay ang pangkat ng "Starter", "Carbrodor", at "Others". Si Mr. Tacay ang naging susi para magbuklod-buklod ang buong klase. Sa group presentation namin sa obrang "Freedom" ni Aurelio s. Alvero, ay unang ipinakita ng klase ang galing kapag may iisang layunin. Dito kami unang nananalo bilang isang solid na grupo. Nakuha namin ang unang gantimpala kahit na si Edwin, aka, "Grampapito-grampatok" ay pumiyok at ako naman ay napasayaw sa pagbigkas ng aking mga linya.

IV. D Ner

Sa Isyu ng pag-ibig.

Kailangan mo ba sya kaya mo sya mahal? Mahal mo ba sya dahil kailangan mo sya? Kailangan mo bang maging independent sa kanya?

Sa tingin ko, para mahalin mo ang isang babae ng lubusan, ay dapat kailanganin mo sya. Madaling iwan, o baka nga hindi mo pansinin ang isang bagay kapag hindi mo kailangan ito. Hindi ka maapektuhan sa pagkawala nito. Sa relasyon, madaling iwanan ang isang kasama at humanap ng iba kung ang basehan ng pagsasama nyo ay sa ideya ng pagiging "in-love". Madali ma-in-love sa napakaraming babae, dahil ang idea ng pagiging "in-love" ay malamang na infatuation lamang. Ang kaso, ang infatuation ay nawawala, nauubos, dahil hindi naman ito isang pangangailangan.

Kung ang pag-ibig ay complimentary, ibig-sabihin, yung ka-partner mo ay kumukumpleto sa iyong mga kakulangan para maging isang buo ka. Ibig sabihin din, kailangan mo sya, para mabuo ka. Tingin ko, wala ring masama kung kailanganin mo siya at maging dependent ka sa ka-partner mo lalo na sa asawa, kasi sabi ng pari sa kasal, ang lalaki raw at babae ay nagiging iisa, base raw ito sa Bibliya. Samakatuwid, parang kalahati na lang kung wala yung isa sa mag-asawa. Kung ang pag-aasawa ay pang-habang-buhay na pagsasama, makakatulong ang ideya na malaki ang kakulangan sa iyo kung wala ang iyong asawa. Hindi mo sya kayang hiwalayan dahil kailangan mo sya para mabuo ka. Mas lalo mo syang pinapahalagahan at minamahal dahil kailangan mo sya.

Oo nga't pwedeng sabihin na una yung pagmamahal, pero gaanong kalalim ba ito. Lumalalim lang ito kapag nag-uumpisa na syang makinig sa iyong mga hinaing sa buhay, kapag napapagaan nya ang iyong mabigat na kalooban, kapag nakikisalo na sya s'yong saya at dalamhati, at marami pang-iba. Samakatuwid, lumalalim ang sinasabi mong "pagmamahal" dahil kinailangan mo na sya.

Ewan ko lang, pero mukhang effective sa'min ni Au yung ganung formula, nagkakaroon kami ng "moments" at partnership dahil kailangan namin ang isa't-isa sa mga ginagawa namin. Dumidepende sya sa'kin, dumidepende rin ako sa kanya, mahal ko sya, mahal nya rin ako, kailangan ko sya at kailangan nya rin ako...hindi kami nauubusan ng pinagsasaluhan dahil dyan...


Thursday, September 4, 2008

3. Parental Guidance, may Violence

I. D Architect


"Parental Guidance, may Violence"

Imagine, halos magda-dal'wang buwan nang hindi sumasahod ang mga tao sa site. Masakit na ang tenga ko sa kapapakinig ng mga daing ng mga tao. Ang puso kong malambot ay umpisa na ring nagkakalyo sa kababayo ng mga reklamo, binabalot na ko ng poot sa sakit ng loob. May isa pang pangyayari na kung saan ay muntik na kong saksakin ng talikuran ko ang isang pintor na naglalabas ng sama ng loob sa kin. Mabuti na lang at inawat sya ng mga taong may malasakit sa 'kin. Pare-parehas lang kaming hindi sinasahuran, pare-parehas lang kaming gutom. Palibhas'y bagong salta itong pintor na ito kaya ang buong akala niya ay katulad ako ng boss ko na nagpapakasarap habang ang mga trabahador naman ay nagpapakahirap. Nang talikuran ko ang pintor, bubunot sana ako ng pera, pera na hindi mula sa sweldo kundi pera mula sa bulsa ng nanay ko. Magpapabili sana ako ng tinapay, dahil pag-apak ko pa lang sa site ay umaangal na sila na hindi pa raw sila nag-almusal at wala rin silang pananghalian. Mabuti naman at humingi ng dispensa sa 'kin ang pintor, at ang tensyon sa site ay napalitan ng kwentuhan, tawanan, at 'wag ka, may iyakin rin. Pinatigil ko ang trabaho nung araw na yon. Sinabi ko na walang magtatrabaho hangga't wala pang naibibigay na sahod. Mga tatlong araw din kaming ganun, nang sumulpot sa site ang boss ko, agad ipinasara ko ang pinto, sabi ko, "walang lalabas dito hangga't hindi naaayos ang mga problema" Mainit ang pag-uusap namin ng boss ko, pero sa huli ay napilitan din syang ibigay ang kalahati ng utang nya sa mga tao.


Balik-trabaho, parang walang nangyari. Pinanghawakan ko ang sinabi ng boss ko na sa susunod na linggo ay kukumpletuhin na nya ang sahod. Pero sadyang malupit itong taong ito, dahil makalipas ang isang buwan ay ganun na naman ang nangyari. Sa maniwala kayo't sa hindi, napautang ako sa nanay ko ng trenta-mil (30,000 petot), para lang may maipasahod sa mga tao. Ok na rin yun, tiis-tiis na lang muna hangga't kaya pa. Ang masama, sa sumunod na buwan ay ganun na naman, lintik, iba na to, indi ko na kayang palagpasin to, alam ko na kahit anong oras sasabog na ko.

Ganun na nga ang nangyari, nandun kami nun sa site sa Cavite, may usap-usapan na darating ang boss ko. Hinanda ko na ang aking sarili,talo-talo na 'to. Nasa gate pa lang sya ay hinarang ko na ang kanyang sasakyan, wala syang nagawa, indi sya maka-abante dahil takot din syang sagasaan ako. Pinagsisipa ko ang kanyang sasakyan habang pinapaulanan ko sya ng mura. Hindi sya makababa. Shock na shock at takot na takot syang nakaupo, hindi mabitiwan ang manibela. Takbo naman ang mga trabahador papunta sa min, walang umaawat, tila masaya pa sila sa nakikita nila. Pati ang may-ari ay lumabas din at sinabi sa kin, "pag-usapan nyo muna ito, wag ganito". Napahinto ako at nakaramdam ng hiya. Pinababa nya ang boss ko at sinabing mag-usap kami. Pero itong may-ari ay sumimple at binulungan ako na," akong bahala sa'yo, upakan mo pag pumalag". Aba, ibang klase rin no? Pero, binuksan ko ang pinto ng sasakyan ng boss ko, sumakay ako at pinasakay ko rin sya, sabi ko, sa office na lang kami mag-usap. Puro mura at sigaw ang inabot nya sa kin sa loob ng sasakyan. Sa office, may panandaliang katahimikan, pilit kong pinapakalma ang aking sarili. Nagsalita ang boss ko, hindi ko nagustuhan, binuhat ko ang isang monitor ng computer at nang ibabato ko na sa kanya ay agad namang hinawakan ako nila pareng Vincent Bud-oy at Erap Carasco, pawang mga katrabaho ko sa office. Ang boss ko, parang bulang naglaho.

Diyan natapos ang isang taon kong karanasan bilang empleyado, tama ang naisip ko noon, indi ako dapat maging empleyado, indi bagay.

Alam ko na mali ang mga nangyari, sino ba naman ang gusto mapunta sa ganyang sitwasyon, pero muntikan ko nang ikamatay ang kalokohan nya. Aba, hindi biro ang ma-undayan ng kutsilyo. Bata pa ko nun, mapusok, puno ng idealismo.....malas lang nya at lumaban ako.

Ganun pa man sorry na lang sa mga dapat kong hingan ng paumanhin at salamat na rin sa mga dapat pasalamatan sa chapter ng buhay kong ito bilang nagpupumilit, nag-uumpisang arkitekto.



II. D Husband and III. D Father


"Eh sa Bukol, may Gamot ka?"


Hindi katulad sa karamihan, apat na buwan lang ako naghintay sa paglabas ng aking panganay. Ano pa nga ba ang dapat kong gawin kundi sulitin ang mga natitirang mga araw na sya ay nasa tiyan pa. Ewan ko ba kung bakit lahat na lang ay may pahirap, pati ba naman dito ay may pagsubok pa rin. Unang-una, paano ko nga ba sasabihin sa tatay at nanay ko na magkakaanak na ko? Pangalawa, paano nga ba ako kikilos bilang isang taong ilang buwan na lang ay magiging tatay na, gayong wala akong tiyak na pagkakakitaan. Si Au naman, dahil buntis, kailangang tumigil sa pagtuturo. Pangatlo, paano kami magpapaksal ni Au sa lalong madaling-panahon, kung kakakasal pa lang ng kuya ko, sukob daw kaya bawal.


Ilang araw makalipas nang makuha ko ang resulta ng ultra-sound ni Au, naisipan kong tawagan ang aking kuya at makipagkita sa likod ng library ng UST. Sasabihin ko na sana sa kanya nang diretsuhan ang tungkol sa bata pero indi ko nakayanan. Sinabi ko na lang na kakapa-check-up ko lang at may nakita ang doktor, sinabi ko rin na baka ilang araw na lang ako. Hindi nya alam ang isasagot nya at nanginginig-nginig pa ang kanyang boses na sinabing, "oo ", pupunta raw sya. Sa likod ng library, maluha-luha ang kuya ko habang kinakausap ako. Iniabot ko ang sobre na naglalaman ng resulta ng ultra-sound at kinuha nya naman ito nang nanginginig na kamay. Binunot nya ang papel sa loob nito at sinabi, "ano ito, tyan mo ba to? Ano yan, parang mukha... bukol ba yan, bakit parang mukha?" Hirap-na hirap akong pigilan ang pagtawa, kaya napapalingon na lang ako. Nabasa na nya pala ang pangalan ni Au at sinabi, " Hindi naman sa'yo 'to eh, kay Au to eh". Sumabog na ang pinipigilan kong pagtawa, napaluha ako sa katatawa. Ang akala ko ay nakuha na nya pero sabi nya, "anong sakit ni Au?" Hahahaha, hindi ko na alam kung paano ko ipoposisyon ang aking katawan, gusto ko nang humiga sa kalsada sa katatawa. Ngunit nakahalata na yata sya at sinabi, "buntis si Au no?Mukha ng baby yan eh, hindi naman bukol" Sabi ko, "oo, five months na raw eh." Sa tagpong ito, yung mukha kong puno ng saya, ay biglang naging seryoso, yung luha ko naman sa katatawa ay naging luha ng pag-aalala. Ewan ko lang, hindi na ko sure, pero halo na yata yun.


IV. D Barkada

Natural lang na magpangkat-pangkat kami, humanap ng makaka-berks. Natural din na yung mga kasama namin base sa lugar ang makaka-grupo namin. Sa simula, napasama ako sa grupong "Bangkal Boys", na binuo namin nila Joniel at Mike. Masaya naman kaming tatlo hanggang sa dahil lang sa isang group project ay nagiba kami. Siguro nga ay hindi pa sapat ang nabuo naming pundasyon ng samahan, dahil ang pinag-ugatan ng hindi pagkakasunduan ay isang aklat lamang na patungkol sa history ng Makati. Ang babaw, pero bahagi yan ng mas malalaking pangyayari sa grupo. Si Joniel, neutral, sala sa init, sala sa lamig, hindi nag-desisyon. Ako tuloy ang nagdesisyon na sumama sa Muntinlupa Boys na binuo naman nila Carlo, Dennis, Third,etc. wala pa nyan si Monti.

Pasok Monti. Second year na kami nang ma-transfer si Monti samin, at yan na ang simula ng pagiging magulo ng klase. Sa simula, itong si pareng Monti ay tahimik naman, mabait din. Inisa-isa nya ang klase sa paghahanap ng kaibigan. Akalain nyo ba namang tanungin nya ang ilan sa'min na, "pwede ka bang maging best-friend?" Yan mismong linya na yan ang isa sa mga hindi malilimutang katagang binitiwan ni Monti.

Si Alfon, tila hindi makahanap ng kagrupo, naisipang magbenta sa mga day school ng "gagambang 45". Yan daw yung gagambang kumakain ng "buhay na bato".

Habang tumatatag ang samahan ng mga Las Piñas Boys na binubuo nila Bektur, Mike C., Erwin Terrobias(a.k.a., "Tarugs"), Jesse d' lover boy, at Mark (ang hari ng manunulot), kami naman sa ibang grupo ay nagkakawatak-watak. May hindi pagkakasunduan ang Muntinlupa boys, sangkot dyan si Carlo, may hindi rin pagkakasunduan ang Bangkal Boys, sangkot ako dyan. Yung iba naman, sadyang hindi feel makigulo sa mga grupo.

Ang Las Piñas Boys bumuo ng grupong "Starter". Hip-hop ang trip nila noon, kaya ang mga jacket at damit nila ay may tatak na "Starter". Kami naman nila Carlo ay mga rakista, nahihilig na kami sa rock songs na nangnguna sa top 20 at 12 ng LSFM. Patok na patok pa nun si Trigger Man. Hindi kami papahuli, kaya nagtayo naman si Carlo ng "Carbrodor", panapat sa "Starter". Ayos ba, mga parte yan ng sasakyan. Pero tanungin si Carlo kung ano ibig sabihin nun, "Ca" raw for caring, "bro" daw for brotherhood at "dor" daw for "dormancy". Dormancy? hanggang ngayon hindi alam ni Carlo kung paano ie-explain yang dormancy na yan. So hayan, kahit papaano ay nahahati na lang sa tatlo ang klase namin, "Starter", "Carbrodor" at "others". hehehe.

V. D Ner

Sa isyu ng kakurakutan sa mga ahensya ng gobyerno. Sa tingin ko malaki ang mababawas sa pangungurakot kung mapapabilis ng husto ang proseso sa gobyerno sa pamamagitan ng "computerization". Nagpapakotong ang mga tao sa mga buwaya sa kalye dahil ayaw nila maabala pa sa pagtubos ng lisensya. May lagayan sa paglalakad ng mga kung anu-anong permits dahil sa gusto ng mga tao na mapabilis ang pag-apruba sa kanilang mga papeles. Sa aking pagkakaalam, nabawasan na ang mga lagayan dun sa mga ahensya na computerized na ang mga proseso. Mas konting kamay siguro na dinadaanan, mas konti rin ang paglalagyan ng kotong. Sa'king pananaw lamang naman ito, ewan ko lang sa iba.

Wednesday, September 3, 2008

2. Bangkito, Chiquito

I. D Architect


"Ang Bangkito"



Pagkatapos ng college, larawan ako ng isang taong puno ng pag-asa at buhay. Hinanda ko na ang aking sarili. Alam ko noon pa man na hindi ako magiging empleyado, nais ko magtayo ng sarili kong architectural firm, ngunit alam ko rin na hindi pa ako handa para dito. Mabuti na lang at obligado kami magkaroon ng dalawang taong experience sa ilalim ng patnubay ng isang rehistradong arkitekto. Kaya dito ako nagsimula. Isang taon mahigit ako namasukan sa isang maliit na architectural firm, dito ko natutunan ang maraming bagay. Natuto ako gumuhit ng plano gamit ang computer, humarap sa mga kliyente at construction workers, at dahil sa kung ano mang dahilan, natutunan ko patakbuhin ang isang maliit na architectural firm. Natutunan ko sa karanasan kong ito na kailangan mong itulak ang iyong sarili na alamin at pag-aralan ang mga bagay-bagay. Hindi dapat umasa sa iba para matuto, at kailangan mo matuto para mabuhay.

Ayos na sana, masaya na sana ako sa king trabaho, bagama't wala akong natutunan sa arkitektong dapat ay gumagabay sa kin, marami naman akong natutuklasan dahil halos lahat na yata ng trabaho sa firm ay pinapagawa nya sa kin. Na-obliga akong matuto mag-autocad sa loob ng ilang araw, dahil pinagawa nya sakin ang isang project na isang linggo lang ay deadline na. Ilang plano pa ang aking natapos gamit ang bago kong nalalaman sa autocad.

Isang araw, walang pasabi-sabi ay itinalaga nya ako bilang Site Architect/Supervisor sa isang construction project nya sa Las Piñas. Ni hindi man lang ako nabigyan ng background dito, kaya hindi ko alam kung ano'ng gagawin ko. Napatakbo ako nun sa National Bookstore, nagmukha na naman akong estudyanteng nagre-research para naman kahit papaano ay hindi ako magmukhang tanga sa unang araw ko sa site. Hindi na ako nagmagaling, talagang wala akong oras na inaksaya para matutunan ang mga dapat matutunan sa site. Halos minu-minuto ay may itinatanong ako kay foreman. Talagang sinabi ko sa kanya na first time ko sa site at sana ay ituro nya sa 'kin ang lahat ng pasikut-sikot dito. Siguro ay tagumpay ako sa bahaging ito, dahil bago matapos ang construction ay nakabuo ako ng isang bangkito na ini-regalo ko naman sa ina ng aking girlfriend na ngayon ay biyenan ko na. Masyado ko yatang naibsan ang sakit ng kanyang likod sa paglalaba kaya natunaw ko ang kanyang puso. At an instant, naging napakabait kong boyfriend sa kanyang anak. Ayos!





II. D Husband



"Gusto kong Bumait, pero Tao Nagawa!"



Nasa Bangkal, Makati kami nun nang sumakit na naman ang tiyan ni Au. Sabi ko sa kanya ay mag-pacheck-up na sya dahil baka may cancer na sya....


Isang linggo bago ang araw na to, si Au ay kasama ko sa isang construction project sa Pasig, umaakyat pa sya sa bubong para maki-pintura. Pumunta rin kami sa Star City at sumakay kami sa mga rides duon pati sa Cyclone Loop. Halos araw-araw ng linggong ito ay umaalis kaming dalawa.


Dahil sa talagang hindi nya na matiis ang sakit ng kanyang tiyan, nagdesisyon ako, on the spot, na magpa-checkup na sya. Ang tagal, kinakabahan na ko habang naghihintay ng resulta. Lumabas sya panandalian at wala naman syang binanggit sa kin maliban sa kailangan nyang lumipat sa kabilang building ng ospital. Yosi, yosi, yosi....wala pa rin sya. Makalipas ang ilan pang sandali ay hindi ko na rin natiis, pumasok na ko sa loob. Nakangiti ang mga nurse at itinuro sa kin kung nasaan na si Au. Sa pinto pa lamang ay nagsalita na ang doktor at sinabi, "Congrats!..." Ang mga sumunod na sinabi nya ay hindi ko na narinig dahil nag-aalala ako kay au. Basta, napansin ko na lang na nakaturo siya sa isang monitor at tingin ko ay parang laman-loob yun ni Au. Sabi ko, "ano yan, bukol?" Natawa ang doktor at si Au. Sabi ni Au, "anak mo yan". Ngek, magiging tatay na pala ako.



III. D Father


"In the Name of the Father"


O heto nanam ang isang pagbabago sa buhay, yung araw n yun sa ospital ay huling araw ng pagiging binata. Bagama't wala pa ang bata, kailangan ko na mag-isip bilang ama. Hindi na mapipigilan, araw-araw ay lumalaki sa tyan ang bata, at isang araw ay lalabas na lang sya na isang tao na. Limang buwan na sya nasa tiyan at naging bingi kami sa pagpaparamdam nya na hindi lang kaming dalawa ni Au ang magkasama,bagkus ay tatlo na kami. Malamang ay natatawa rin sya sa mga jokes ko kay Au, malamang ay umiiyak din sya kapag kami ay nalulungkot, malamang ay nakakatulog sya sa mga awit ko kay Au. Kung ano't ano man, kung naging hindi sinasadyang bingi man kami sa nakalipas na limang buwan, kailangan kong maging matalas ang pandinig simula nito. Kailangan kong makinig sa kung kani-kaninong tao para malaman kung paano ko magagawa ng tama ang pagiging ama, asawa, at anak. Yung pagiging ama at asawa ay medyo madaling dalhin para sakin, dahil natural namang dadaanan ko yan sa buhay, yung pagiging anak sa tatay kong mahigpit, yan ang problemang malupit. Si Joe na aking ama, ay presidente ng isang unibersidad, mahalaga sa kanya ang kanyang pangalan at awtoridad, iningatan nya ito ng ilang dekada at heto ako, ako pa yata ang dudungis sa napaka-ganda nyang pangalan...


IV. D Barkada


Ang Nu Sigma ay isang samahang pinatatag ng labim-pitong taon. Ito ay isang pamilyang patuloy na lumalaki at tumatatag.


"Sa Simula"

Tulad ng awitin ng APO,"....nagsimula ang lahat sa iskwela, nagsama-sama'ng labin-dal'wa". Pero hindi lang kami labin-dalwa, kundi tatlumpo.

Karamihan naman sa min ay matitino,mababait, at tahimik....sa simula.

First day ng klase, ng dahil lamang sa distribution ng diary, ay di sinasadyang na-bully ko ang presidente ng klase. Hanggang ngayon ay nababanggit pa rin sa grupo ang kwentong iyan, sorry na lang sa utol kong yan, bata pa kami noon.

Kanya-kanyang kultura, kanya-kanyang istorya, kanya-kanyang trip sa buhay. Paano kaya nabuo ang isang samahan na hanggang ngayon ay tinitingnan ng marami na pinaka-solid na batch ng Southridge Night School?



Tuesday, September 2, 2008

1. Hati-Hati, Parte-parte

Paano ko nga ba hahatiin ang sarili ko? siguro ganito:



1. ner d architect

2. ner d husband

3. ner d father

4. ner d barkada

5. ner d ner



Paano ko naman sisimulan tong blog na ito?... ah alam ko na, intro siguro sa outline na yan.....



I. D Architect



Kailan lang ay pinaalala ni pareng Dennis ang isang tagpo nung kami ay nasa 3rd yr high school pa. Sa gitna ng aming pag-uusap ay sinabi ko raw sa kanya na balang araw ay magiging arkitekto ako, sinabi ko rin daw sa kanya na mabubuhay akong walang boss maliban sa aking napakabait na ama. Dyan nagsimula ang paghahanda sa aking napakahabang paglalakbay. Sinimulan ko sa UST ang pagtahak sa mga nilatag kong landas, dito ko kinuha ang kursong architecture. Bagama't pagod at puyat pa, narating ko rin ang ang entablado at nabigyan ako ng gantimpalang diploma noong 2001........



II. D Husband

Kung totoo ang sabi ng pari, ang mag-asawa raw ay iisa, kaya ibig sabihin, kalahati lang ako kung wala si Aurora o Au for short (parang manananggal,hehehe). Paano nga ba kami naging =1?

Naalala ko pa nung bumisita ako sa Bangkal sa Makati para malibang kasama ng kaibigan kong si Joniel. Sabi nya, "Tol, may ipapakita ako sa'yo s complex (gym), may chic dun, maliit na malaki" hehehe. Sumama naman ako at hayun na nga, matapos sya maglakas ng loob na makipagkilala at matapos ang ilang minuto nilang pag-uusap na tila naman ilang oras ko namang pagkabato, sa akin ibinigay ni Au kanyang contact number. Dito nagsimula ang ilang gabing paghihrap para matakasan ang malulupit na pananaway ng aking mga magulang sa pagte-telebabad, ang saya ng may tiyak na taong nakikinig sa iyong mga hinaing at ginhawa sa pang-araw-araw na buhay, ang bigat ng loob sa tuwing may hindi pagkakasunduan, at kung anu-ano pang gulo na naghihintay lang ng pag-aayos. Sa huli, sinabi ko sa kanya na kung ano man ang mga nangyari sa aming pagsasama ay pagpapatatag ng pundasyon ng bagong mundo na binubuo naming dalawa. Kung nais nya pang ipagpatuloy ang pagbubuo dito habang-buhay, heto ang kanyang isinagot, "Johann".

III. D Father

Hindi lang "Johann" ang isinagot ni Au kundi pati "Raja". Silang dalawa ang naging pinaka-mahalagang bahagi sa pagbuo ng aming bagong mundo. Masyadong sineryoso ni Au ang proposal ko tungkol sa mundong ito kaya isang taon lang ang pagitan ng dalawa. Si Johann na panganay ay 5 taon na, si Raja naman ay 4 na taon na.

IV. D Barkada

Isang grupo lang ang aking barkada. Sila ay yung mga kaklase ko sa high-school. Kilala kami sa grupong Batch 95' o Nu Sigma. Sa grupong ito umiikot ang social life namin ni au. Mahalagang bahagi sila ng aming buhay.

V. D Ner

Lumaki ako sa mga kalye ng Bangkal sa Makati, bagaman may sarili kaming bahay dun noon, mas gusto kong naglalagi sa kalye kasama ng kung sino-sinong mga tao mula bata hanggang sa mga pinakamatatanda doon. Nung high school naman ay pinalad akong makapag-aral sa Southridge Night School at sa UST naman noong college. Tulad ng halos lahat ng Pinoy, ako ay nahubog ng sari-saring kultura. Masasabi kong nasilayan ko ang iba't-ibang klase ng pamumuhay mula sa kaliwa hanggang dun sa kanan (hindi mula baba hanggang pinakamataas). "Mas marami, mas masaya".