Thursday, September 4, 2008

3. Parental Guidance, may Violence

I. D Architect


"Parental Guidance, may Violence"

Imagine, halos magda-dal'wang buwan nang hindi sumasahod ang mga tao sa site. Masakit na ang tenga ko sa kapapakinig ng mga daing ng mga tao. Ang puso kong malambot ay umpisa na ring nagkakalyo sa kababayo ng mga reklamo, binabalot na ko ng poot sa sakit ng loob. May isa pang pangyayari na kung saan ay muntik na kong saksakin ng talikuran ko ang isang pintor na naglalabas ng sama ng loob sa kin. Mabuti na lang at inawat sya ng mga taong may malasakit sa 'kin. Pare-parehas lang kaming hindi sinasahuran, pare-parehas lang kaming gutom. Palibhas'y bagong salta itong pintor na ito kaya ang buong akala niya ay katulad ako ng boss ko na nagpapakasarap habang ang mga trabahador naman ay nagpapakahirap. Nang talikuran ko ang pintor, bubunot sana ako ng pera, pera na hindi mula sa sweldo kundi pera mula sa bulsa ng nanay ko. Magpapabili sana ako ng tinapay, dahil pag-apak ko pa lang sa site ay umaangal na sila na hindi pa raw sila nag-almusal at wala rin silang pananghalian. Mabuti naman at humingi ng dispensa sa 'kin ang pintor, at ang tensyon sa site ay napalitan ng kwentuhan, tawanan, at 'wag ka, may iyakin rin. Pinatigil ko ang trabaho nung araw na yon. Sinabi ko na walang magtatrabaho hangga't wala pang naibibigay na sahod. Mga tatlong araw din kaming ganun, nang sumulpot sa site ang boss ko, agad ipinasara ko ang pinto, sabi ko, "walang lalabas dito hangga't hindi naaayos ang mga problema" Mainit ang pag-uusap namin ng boss ko, pero sa huli ay napilitan din syang ibigay ang kalahati ng utang nya sa mga tao.


Balik-trabaho, parang walang nangyari. Pinanghawakan ko ang sinabi ng boss ko na sa susunod na linggo ay kukumpletuhin na nya ang sahod. Pero sadyang malupit itong taong ito, dahil makalipas ang isang buwan ay ganun na naman ang nangyari. Sa maniwala kayo't sa hindi, napautang ako sa nanay ko ng trenta-mil (30,000 petot), para lang may maipasahod sa mga tao. Ok na rin yun, tiis-tiis na lang muna hangga't kaya pa. Ang masama, sa sumunod na buwan ay ganun na naman, lintik, iba na to, indi ko na kayang palagpasin to, alam ko na kahit anong oras sasabog na ko.

Ganun na nga ang nangyari, nandun kami nun sa site sa Cavite, may usap-usapan na darating ang boss ko. Hinanda ko na ang aking sarili,talo-talo na 'to. Nasa gate pa lang sya ay hinarang ko na ang kanyang sasakyan, wala syang nagawa, indi sya maka-abante dahil takot din syang sagasaan ako. Pinagsisipa ko ang kanyang sasakyan habang pinapaulanan ko sya ng mura. Hindi sya makababa. Shock na shock at takot na takot syang nakaupo, hindi mabitiwan ang manibela. Takbo naman ang mga trabahador papunta sa min, walang umaawat, tila masaya pa sila sa nakikita nila. Pati ang may-ari ay lumabas din at sinabi sa kin, "pag-usapan nyo muna ito, wag ganito". Napahinto ako at nakaramdam ng hiya. Pinababa nya ang boss ko at sinabing mag-usap kami. Pero itong may-ari ay sumimple at binulungan ako na," akong bahala sa'yo, upakan mo pag pumalag". Aba, ibang klase rin no? Pero, binuksan ko ang pinto ng sasakyan ng boss ko, sumakay ako at pinasakay ko rin sya, sabi ko, sa office na lang kami mag-usap. Puro mura at sigaw ang inabot nya sa kin sa loob ng sasakyan. Sa office, may panandaliang katahimikan, pilit kong pinapakalma ang aking sarili. Nagsalita ang boss ko, hindi ko nagustuhan, binuhat ko ang isang monitor ng computer at nang ibabato ko na sa kanya ay agad namang hinawakan ako nila pareng Vincent Bud-oy at Erap Carasco, pawang mga katrabaho ko sa office. Ang boss ko, parang bulang naglaho.

Diyan natapos ang isang taon kong karanasan bilang empleyado, tama ang naisip ko noon, indi ako dapat maging empleyado, indi bagay.

Alam ko na mali ang mga nangyari, sino ba naman ang gusto mapunta sa ganyang sitwasyon, pero muntikan ko nang ikamatay ang kalokohan nya. Aba, hindi biro ang ma-undayan ng kutsilyo. Bata pa ko nun, mapusok, puno ng idealismo.....malas lang nya at lumaban ako.

Ganun pa man sorry na lang sa mga dapat kong hingan ng paumanhin at salamat na rin sa mga dapat pasalamatan sa chapter ng buhay kong ito bilang nagpupumilit, nag-uumpisang arkitekto.



II. D Husband and III. D Father


"Eh sa Bukol, may Gamot ka?"


Hindi katulad sa karamihan, apat na buwan lang ako naghintay sa paglabas ng aking panganay. Ano pa nga ba ang dapat kong gawin kundi sulitin ang mga natitirang mga araw na sya ay nasa tiyan pa. Ewan ko ba kung bakit lahat na lang ay may pahirap, pati ba naman dito ay may pagsubok pa rin. Unang-una, paano ko nga ba sasabihin sa tatay at nanay ko na magkakaanak na ko? Pangalawa, paano nga ba ako kikilos bilang isang taong ilang buwan na lang ay magiging tatay na, gayong wala akong tiyak na pagkakakitaan. Si Au naman, dahil buntis, kailangang tumigil sa pagtuturo. Pangatlo, paano kami magpapaksal ni Au sa lalong madaling-panahon, kung kakakasal pa lang ng kuya ko, sukob daw kaya bawal.


Ilang araw makalipas nang makuha ko ang resulta ng ultra-sound ni Au, naisipan kong tawagan ang aking kuya at makipagkita sa likod ng library ng UST. Sasabihin ko na sana sa kanya nang diretsuhan ang tungkol sa bata pero indi ko nakayanan. Sinabi ko na lang na kakapa-check-up ko lang at may nakita ang doktor, sinabi ko rin na baka ilang araw na lang ako. Hindi nya alam ang isasagot nya at nanginginig-nginig pa ang kanyang boses na sinabing, "oo ", pupunta raw sya. Sa likod ng library, maluha-luha ang kuya ko habang kinakausap ako. Iniabot ko ang sobre na naglalaman ng resulta ng ultra-sound at kinuha nya naman ito nang nanginginig na kamay. Binunot nya ang papel sa loob nito at sinabi, "ano ito, tyan mo ba to? Ano yan, parang mukha... bukol ba yan, bakit parang mukha?" Hirap-na hirap akong pigilan ang pagtawa, kaya napapalingon na lang ako. Nabasa na nya pala ang pangalan ni Au at sinabi, " Hindi naman sa'yo 'to eh, kay Au to eh". Sumabog na ang pinipigilan kong pagtawa, napaluha ako sa katatawa. Ang akala ko ay nakuha na nya pero sabi nya, "anong sakit ni Au?" Hahahaha, hindi ko na alam kung paano ko ipoposisyon ang aking katawan, gusto ko nang humiga sa kalsada sa katatawa. Ngunit nakahalata na yata sya at sinabi, "buntis si Au no?Mukha ng baby yan eh, hindi naman bukol" Sabi ko, "oo, five months na raw eh." Sa tagpong ito, yung mukha kong puno ng saya, ay biglang naging seryoso, yung luha ko naman sa katatawa ay naging luha ng pag-aalala. Ewan ko lang, hindi na ko sure, pero halo na yata yun.


IV. D Barkada

Natural lang na magpangkat-pangkat kami, humanap ng makaka-berks. Natural din na yung mga kasama namin base sa lugar ang makaka-grupo namin. Sa simula, napasama ako sa grupong "Bangkal Boys", na binuo namin nila Joniel at Mike. Masaya naman kaming tatlo hanggang sa dahil lang sa isang group project ay nagiba kami. Siguro nga ay hindi pa sapat ang nabuo naming pundasyon ng samahan, dahil ang pinag-ugatan ng hindi pagkakasunduan ay isang aklat lamang na patungkol sa history ng Makati. Ang babaw, pero bahagi yan ng mas malalaking pangyayari sa grupo. Si Joniel, neutral, sala sa init, sala sa lamig, hindi nag-desisyon. Ako tuloy ang nagdesisyon na sumama sa Muntinlupa Boys na binuo naman nila Carlo, Dennis, Third,etc. wala pa nyan si Monti.

Pasok Monti. Second year na kami nang ma-transfer si Monti samin, at yan na ang simula ng pagiging magulo ng klase. Sa simula, itong si pareng Monti ay tahimik naman, mabait din. Inisa-isa nya ang klase sa paghahanap ng kaibigan. Akalain nyo ba namang tanungin nya ang ilan sa'min na, "pwede ka bang maging best-friend?" Yan mismong linya na yan ang isa sa mga hindi malilimutang katagang binitiwan ni Monti.

Si Alfon, tila hindi makahanap ng kagrupo, naisipang magbenta sa mga day school ng "gagambang 45". Yan daw yung gagambang kumakain ng "buhay na bato".

Habang tumatatag ang samahan ng mga Las Piñas Boys na binubuo nila Bektur, Mike C., Erwin Terrobias(a.k.a., "Tarugs"), Jesse d' lover boy, at Mark (ang hari ng manunulot), kami naman sa ibang grupo ay nagkakawatak-watak. May hindi pagkakasunduan ang Muntinlupa boys, sangkot dyan si Carlo, may hindi rin pagkakasunduan ang Bangkal Boys, sangkot ako dyan. Yung iba naman, sadyang hindi feel makigulo sa mga grupo.

Ang Las Piñas Boys bumuo ng grupong "Starter". Hip-hop ang trip nila noon, kaya ang mga jacket at damit nila ay may tatak na "Starter". Kami naman nila Carlo ay mga rakista, nahihilig na kami sa rock songs na nangnguna sa top 20 at 12 ng LSFM. Patok na patok pa nun si Trigger Man. Hindi kami papahuli, kaya nagtayo naman si Carlo ng "Carbrodor", panapat sa "Starter". Ayos ba, mga parte yan ng sasakyan. Pero tanungin si Carlo kung ano ibig sabihin nun, "Ca" raw for caring, "bro" daw for brotherhood at "dor" daw for "dormancy". Dormancy? hanggang ngayon hindi alam ni Carlo kung paano ie-explain yang dormancy na yan. So hayan, kahit papaano ay nahahati na lang sa tatlo ang klase namin, "Starter", "Carbrodor" at "others". hehehe.

V. D Ner

Sa isyu ng kakurakutan sa mga ahensya ng gobyerno. Sa tingin ko malaki ang mababawas sa pangungurakot kung mapapabilis ng husto ang proseso sa gobyerno sa pamamagitan ng "computerization". Nagpapakotong ang mga tao sa mga buwaya sa kalye dahil ayaw nila maabala pa sa pagtubos ng lisensya. May lagayan sa paglalakad ng mga kung anu-anong permits dahil sa gusto ng mga tao na mapabilis ang pag-apruba sa kanilang mga papeles. Sa aking pagkakaalam, nabawasan na ang mga lagayan dun sa mga ahensya na computerized na ang mga proseso. Mas konting kamay siguro na dinadaanan, mas konti rin ang paglalagyan ng kotong. Sa'king pananaw lamang naman ito, ewan ko lang sa iba.

4 comments:

Unknown said...

langya. pumasok lang ako nagulo na. tang ina. magulo na talaga kayo nun. hehehehehehe.

Mrs. Sunshine said...

naiyak ako at natawa naman dito. ayos! :)

victagos said...

Ner, parang kulang yung kwento mo tungkol sa boss mo. Ang alam ko pinuntahan mo pa sa bahay yun eh. Tapos takot na takot sayo yung asawa. Pero ang pakay mo pala ay.....

hahaha!

Jenner said...

salamat sa inyong tatlo, lalo na kay mrs. sunshine dahil d ko akalaing babasahin mo 'to. Tnx talaga. pareng yosibreak, minaigi kong putulin ang kwento dyan pansamantala para mapag-isipan kung dapat ko pa nga bang isulat yung karugtong, baka mapamarisan ksi eh, pero ays lang siguro....